Pasay City – Hindi nagpatinag sa masamang panahon ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa kanilang sidewalk clearing operations laban sa illegally parked vehicles at iba pang obstruction sa lansangan.
Labing limang tow trucks ang dala ng Sidewalk Clearing Operations Group at sinuyod ang kahabaan ng Roxas Boulevard hanggang Gil Piyat Avenue o Buendia sa Pasay City.
Sa Japanese Embassy pa lamang ilang taxi na ang natikitan dahil sa illegal parking.
Habang sa harap naman ng Department of Foreign Affairs (DFA) dalawang tricycle ang in-impound ng mga tauhan ng Sidewalk Clearing Operations Group dahil walang maipakitang drivers license ang mga nagmamaneho.
Sa Buendia, tatlong sasakyan din kabilang ang isang taxi ang hinila ng tow truck dahil sa illegal parking sa tapat ng isang transient inn.
Pati mga nakaparadang sasakyan sa harap ng police community precinct sa Buendia ay tinikitan ng MMDA.
Ayon sa MMDA hindi sila magsasawa sa pagsasagawa ng operasyon hanggat hindi tumitino at sumusunod sa batas trapiko ang mga Pilipino.