Bumuo na ng task force ang lokal na pamahalaan ng Pasay na siyang tututok sa COVID-19 vaccination campaign.
Ang nasabing task force na tinawag na “VACC to the Future” ang mangunguna sa gagawing pagbabakuna sakaling may aprubahan na ang gobyerno.
Ayon kay Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, isa sa mga gagawin ng task force ay ang pagpapakalat ng impormasyon hinggil sa bibilhin nilang bakuna.
Nakahanda na rin ang kanilang plano bago at matapos ang kanilang vaccination program.
Nagtalaga na rin sila ng mga tauhan na tututok sa 13 vaccination sites para masigurong mabibigyan ng bakuna ang lahat ng residente ng lungsod.
Patuloy naman ang ginagawang hakbang ng lokal na pamahalaan ng Pasay para mapigilan ang pagkalat ng virus habang mas pinaigting ng City Health Office at City Epidemiology and Disease Surveillance Unit ang detection at contact tracing kaya’t isa ang lungsod sa may mababang bilang ng aktibong kaso ng COVID-19.