Friday, January 23, 2026

Pasay LGU, nakikipag-ugnayan na sa MMDA at DPWH kasunod ng reklamo sa faded road markings sa Roxas Boulevard

Tumugon ang Pamahalaang Lungsod ng Pasay sa kumalat na viral video sa social media kaugnay ng reklamo ng isang motorista tungkol sa kupas o hindi malinaw na road markings sa Roxas Boulevard.

Partikular na tinukoy ang bahagi malapit sa EDSA Heritage Flyover, na umano’y nagdudulot ng kalituhan at panganib sa mga motorista.

Ayon sa Pasay LGU, kinikilala nito ang karapatan ng mga motorista at mamamayan na magpahayag ng obserbasyon at saloobin, lalo na kung may kinalaman sa kaligtasan sa kalsada.

Sinabi ng lokal na pamahalaan na patuloy nitong binabantayan at tinututukan ang kalagayan ng mga lansangan sa lungsod.

Batay sa paunang pagsusuri ng Traffic and Parking Management Office (TPMO), may ilang road markings na naapektuhan ng matinding init ng panahon, tuloy-tuloy na daloy ng sasakyan, at mga nagdaang road works.

Nakikipag-ugnayan na ang TPMO sa Metro Manila Development Authority (MMDA) at Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa inspeksyon at agarang repainting at restoration ng mga kupas na marka sa kalsada.

Humingi rin ng pang-unawa at kooperasyon ang pamahalaang lungsod habang isinasagawa ang mga kinakailangang hakbang, at hinikayat ang publiko na idulog ang kanilang mga concern sa tamang tanggapan upang agad itong maresolba sa maayos at sistematikong paraan.

Habang isinasagawa ang restoration ng road markings, pansamantalang sususpindihin ang panghuhuli sa nasabing lugar. Sa halip, magpapakalat ang TPMO ng mga traffic enforcers upang umalalay at gumabay sa mga motorista.

Facebook Comments