Nananawagan ang lokal na pamahalaan ng Pasay sa mga residente nito upang hindi muling kumalat pa ang COVID-19 sa kanilang lungsod.
Ang panawagan ay kasunod ng pagbaba ng bilang ng barangay na nakakapagtala ng kaso ng virus na nasa 12 na lamang.
Maging ang naitalang aktibong kaso ng COVID-19 sa buong lungsod ng Pasay ay nasa 15 na lang rin kahit pa nakapagtala ng 5 bagong kaso.
Samantala, pumalo naman sa 28,192 ang ang mga gumaling habang nananatili sa 584 ang nasawi.
Kaugnay nito, nais ng Pasay Local Government Unit (LGU) na makiisa ang lahat ng residente upang mapigilan ang pagkalat ng virus at iba pang sakit.
Hinihimok din ang iba pang mga residente na magpabakuna na at samantalahin na rin ang pagpapaturok ng booster shot para maging ligtas sa COVID-19.