Pasay LGU, nanawagan sa mga airline companies hinggil sa mga na-i-stranded na pasahero

Nanawagan ang lokal na pamahalaan ng Pasay sa mga airline companies na asikasuhin ang kanilang mga pasahero na nakansela ang mga flights papauwi sa iba’t ibang lalawigan.

Nabatid kasi na may ilan sa mga na-i-stranded na pasahero ang nananatili na lamang sa ilalim ng flyover o NAIA Expressway kung saan nakasama na nila ang mga Locally Stranded Individuals o LSIs na nais din makauwi ng probinsya.

Napag-alaman din ng lokal na pamahalaan ng Pasay na ang iba sa mga pasahero ay may scheduled flights na pero nalaman na lamang nila na nakansela ito nang magtungo sila sa airport.


Tinatayang aabot sa 200 pasahero ang naghihintay na lamang sa ilalim ng flyover dahil hindi na rin nila kaya pang manatili sa mga hotel o motel na malapit sa paliparan.

Ang iba naman LSIs ay ipinalipat na ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano sa Villamor Airbase Elementary School upang doon na lamang maghintay ng sweeper flights pauwi sa kanilang probinsya.

Binigyan din sila ng mga hygiene kits, pagkain at kwarto na maaari nilang tulugan habang hinihintay ang anunsiyo ng gobyerno kung makakasama sila sa Balik-Probinsya program.

Muli rin nanawagan ang lokal na pamahalaan na agahan sana ang anunsyo ng pagkansela ng mga flights para hindi na magtungo pa ang mga pasahero at hindi na rin maghintay pa ng ilang araw.

Facebook Comments