Nagsimula na ang lokal na pamahalaan ng Pasay sa pamimigay ng allowance para sa mga kwalipikadong mag-aaral mula sa mga pampublikong paaralan ng elementarya.
Nagkakahalaga ng ₱3,000 ang allowance na ipapamahagi ng Pasay City Government sa humigit kumulang 6,000 mga estudyante.
Ayon kay Pasay Mayor Emi Calixto Rubiano, ang naturang halaga na ipinamamahagi ngayon sa mga mag-aaral ay allowance noon pang nakaraang taon partikular sa mga buwan ng Oktubre, Nobyembre at Disyembre.
Samantala, inihahanda na rin agad ngayon ng Local Government Unit (LGU) ang susunod na allowance ng mga qualified students na ₱3,000 din para naman sa buwan ng Enero, Pebrero at Marso.
Umaasa naman ang alkalde na kahit maliit na halaga lamang ang allowance ay makakatulong ito para tugunan ang ibang pangangailangan ng mga mag-aaral sa lungsod.