Pinatitigil ng Pasay City Regional Trial Court ang pagpapa-aresto ng Senate Blue Ribbon Committee (BRC) sa negosyanteng si Rose Nono Lin.
May kaugnayan ito sa pagkaka-cite in contempt kay Lin dahil sa hindi ito nakadalo sa dalawang pagdinig ng Senado.
Dalawampung araw ang Temporary Restraining Order (TRO) na ibinigay kay Lin ni Assisting Judge Elenita Dimaguila ng Pasay City Regional Trial Court (RTC) Branch 112.
Inirekomenda naman ng korte kay Lin ang paglalagak ng ₱300,000 na bond.
Napatunayan din sa hukuman na pitong beses na dumalo sa pagdinig ng komite si Lin, maliban lamang noong December 21,2022 at January 27,2022 dahil sa mga balidong rason kabilang na rito ang pagpositibo ni Lin sa COVID-19.
Una nang pinatunayan ng kampo ni Lin na ang Pharmally Biological Pharmaceutical Company (PBPC) ay hindi sister company ng Pharmally Pharmaceutical Corp. (PPC) na nadawit sa walong bilyong kontrata sa pagbili ng COVID-19 equipment ng budget department.