Apela ni PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar sa publiko na maging mapag-pasensya dahil sa nararanasang bagal ng sasakyan resulta ng ipinatutupad ng mga Quarantine Control Points (QCP).
Ito ay matapos ang paglalagay ng PNP ng mga QCP sa mga border ng NCR Plus bubble epektibo kahapon, batay na rin sa utos ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año.
Bahagi na rin ng paghahanda para sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) na ipatutupad simula Agosto 6.
Ayon kay Eleazar, bilang dating hepe ng Joint Task Force (JTF) COVID Shield nang unang mag-ECQ ang Metro Manila noong Marso ng nakaraang taon, nagpatupad ang PNP ng mga pamamaraan para mabawasan ang trapik sa mga QCP na gagawin din ngayon.
Kabilang dito ang mabilis na pagpapadaan ng mga sasakyan sa QCP, kasabay ng pagsasagawa ng mga random checks sa mga mobile checkpoint.
Una nang bilin ni Eleazar sa mga pulis na huwag aabalahin ang mga truck na nagdadala ng produkto sa mga QCP.
Pakiusap naman si Eleazar sa publiko na kung walang mahalagang lakad, manatili nalang sa bahay para makatulong sa pagpigil ng pagkalat ng COVID-19.