Pinaalalahanan ng Pasig City Government ang publiko na sarado ang lahat ng pampubliko at pribadong sementeryo mula ngayong araw, Oktubre 29 hanggang Nobyembre 4 bilang pagtalima sa kautusan ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Ayon sa Pasig City Government, muling magbubukas ang mga sementeryo sa lungsod sa Nobyembre 5 hanggang Nobyembre 7.
Paliwanag ng Pasig City Government na tanging mga residente ang papayagan sa lungsod mula Nobyembre 5 hanggang Nobyembre 7.
Dagdag pa ng Pasig LGU na papayagan sa sementeryo naman ang mga hindi residente sa mga petsang hindi naka-iskedyul ang mga taga-Pasig City.
Nilimitahan din ng Pasig LGU sa isang oras ang maaaring itagal ng mga nais bumisita sa mga sementeryo.
Bukas ang mga sementeryo mula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-6:00 ng gabi sa mga petsang pinapayagan ng Pasig City Government.