Inaasahan na ng Pasig City Government na posibleng maraming tatamaan ng COVID-19 sa pagsalubong noon ng Bagong Taon dahil sa hindi pagsunod sa mahigpit na kautusan ng Inter-Agency Task Force (IATF) na social distancing.
Ayon kay Pasig City Mayor Vico Sotto, naghahanda na sila para sa city-wide vaccination laban sa COVID-19, kung sana nakikipag-coordinate rin ang Pasig Local Government Unit (LGU) sa Department of Health (DOH) maging sa IATF at maging sa Metro Manila mayors sa pamamagitan ng Metro Manila Council (MMC).
Paliwanag ng alkalde, baka umano magkaroon ng pagdami ng bilang ng mga tatamaan ng COVID-19 dahil sa mga pagtitipon noong Pasko at pagsalubong ng Bagong Taon kung saan umaasa ang alkalde na sana ay sumunod naman ang lahat sa ipinatutupad ng pamahalaan na mga health protocols.
Gayunman, handa naman umano ang Pasig LGU kung saan naglaan sila ng pondo na P300 million na nakalaan na pero madali naman umanong dagdagan ito kung may available na supplies at may mabibili pa ang Lokal na pamahalaan ng bakuna laban sa COVID-19.
Giit ni Mayor Sotto, sakaling mayroon ng bakuna laban sa COVID-19 ay uunahin nilang matuturukan ang mga medical frontliners at senior citizens dahil ito aniya ang pinaka-importante sa lahat.
Payo naman ng alkalde sa mga Pasigueño, huwag magsawa sa pagtalima sa mga ipinatutupad na kautusan ng pamahalaan at dapat umanong patuloy na sumunod sa mga health protocols lalo na ang pagsuot ng face mask, face shields at social distancing.