Kinumpirma ni Pasig City Mayor Vico Sotto na maglulunsad sila ng programa na magbibigay ng tulong pinansyal sa ilang pamilya na hindi kasama sa listahan ng Department of Social Welfare and Development o DSWD para sa Social Amelioration Program o SAP.
Kahapon inihayag ni Sotto, na meron lang 93,000 na pamilya ang inaprubahan ng DSWD na kwalipikado sa SAP, mula sa 206,000 na pamilya ng nasabing lungsod.
Kaya naman pinag-aaralan na nila ngayon ang pagkakaroon ng sarili nitong programa na may kahalintulad ng SAP at tatawagin nila itong Pasig Social Amelioration Program o PSAP.
Iginiit ng Alkalde na hindi ito magiging kasing laki ang halaga na ipinamimigay sa SAP.
Ang mahalaga ay mabigyan din ng tulong pinansyal ang lahat ng pamilya ng Pasig City na hindi makapaghanap buhay dahil sa umiiral na Enhanced Community Quarantine dulot ng Coronavirus Disease o COVID-19.
Kukunin mula sa Pasig City Government Trust Fund ang magiging pondo sa PSAP.
Dahil dito, maraming proyekto ng Pamahalaang Lokal ng Lungsod ng Pasig ang posibleng maantala.