
Kailangan ay may mapanagot na mga politiko, contractor, at opisyal ng Department of Public Works and Highways o DPWH na sangkot sa maanolyang mga flood control projects sa lalong madaling panahon, ayon kay Pasig City Mayor Vico Sotto.
Dagdag ng alkalde, kapag hindi raw kasi mapanagot ang mga sangkot sa bilyong pisong halaga ng mga proyekto ay siguradong uulit lamang ang mga sangkot dito.
Umaasa rin ang alkalde na hindi mawala ang isyu pagkatapos lamang ng ilang buwan.
Nais ding marinig ng alkalde sa susunod na hearing sa Senado kung totoong may mga contractor at opisyal ng DPWH na humihingi ng hanggang 40 percent na advance ng total project cost sa mga politiko at kung totoo bang may mga kickback sa mga proyekto ng DPWH.
Mas maigi rin aniyang imbitahan sa pagdinig ang asawa ni Sarah Discaya na si Pacifico “Curlee” Discaya dahil naniniwala ang alkalde na mas malawak ang nalalaman nito pagdating sa flood control projects.









