Inihayag ng pamunuan ng Pasig City Government na magbibigay ng Tax Amnesty ang Local Government Unit (LGU) para sa delinquent taxpayers.
Ayon kay Pasig City Mayor Vico Sotto, sa ilalim ng Pasig City Ordinance No. 03, series. 2021, magbibigay ng Tax Amnesty ang Pasig City Government para sa delinquent taxpayers.
Paliwanag ng alkalde, ang Tax Amnesty na ito ay iwe-waive ng City Government ang pagbabayad ng penalties, surcharges, at interest bunsod ng hindi pagbabayad ng real property tax, idle land tax, business tax, at regulatory fees noong 2020 at mga nakaraang taon.
Ibig sabihin, ang base taxes na lamang ang kailangang bayaran.
Dagdag pa ni Sotto, ang nasabing amnesty ay tulong ng Pasig City Government para sa mga Pasigueño na lubhang naapektuhan ng pandemya.
Giit ng alkalde, otomatiko na makaka-avail ng Tax Amnesty ang mga taxpayers na magbabayad simula February 3, 2021 hanggang sa June 30, 2021 basta walang problema sa negosyo at pag-aari na kanilang babayaran.
Samantala, hindi sakop ng Tax Amnesty ang mga sumusunod: businesses na may pending legal case, businesses na isasailalim sa revenue examination, properties na may pending legal case at litigation properties na pending sa expropriation at properties na isasailalim sa public auction.