Pasig River Ferry, may free ride pa rin

Libre pa rin ang sakay sa Pasig River Ferry.

Ayon kay Irene Navera, administration head ng MMDA-Pasig River Ferry System, 2019 pa nang mag-umpisa ang kanilang libreng sakay kasunod ng utos noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Mananatili aniya ang free ride hangga’t walang bagong direktibang ibinababa ang kasalukuyang administrasyon.


“Nung nagkaroon po ng direktiba ang ating former president na si Pangulong Duterte noong re-launching noong December 2019, nag-offer na po kami ng free ride sa ating ferry patrionage po. Hanggang ngayon po, free ride pa rin po kami,” ani Navera sa interview ng DZXL558 RMN Manila.

Tiniyak naman ni Navera na ligtas sumakay sa ferry sa kabila ng kapansin-pansing pagiging kulay berde ng tubig sa Ilog Pasig.

“Yung kulay ng tubig hindi po nakakaapekto sa ating operation. Ang nakakaapekto po sa’tin, dahil tag-ulan na po ngayon ay yung pagdami ng water hyacinth. Dahil dito, naha-hamper ang ating operation dahil pwede silang pumulupot sa ating mga engine na nagko-cause ng breakdown po,” paliwanag ni Navera.

Kasabay nito, hinimok niya ang mga commuters na subukan ang serbisyo ng Pasig River Ferry lalo na ang mga nais makaiwas sa traffic.

“Kung gusto niyo po ng iwas-trapiko, convinient, mas mabilis, less polusyon, sumakay po kayo sa aming Pasig River Ferry System, napaka-safe po,” saad pa ng admin head.

“Kung magsisimula sa Pinagbuhatan Station [Pasig], papuntang Maynila, isang oras at kinse minutos lang. Ikumpara natin kung tayo ay sasakay sa jeep o anupamang land transportation,” dagdag niya.

Nag-o-operate ang Pasig River Ferry mula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-6:00 ng gabi.

Facebook Comments