Ipinapasailalim sa audit ni Senator Sherwin Gatchalian ang lahat ng pasilidad at electrical ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos ang nangyaring power outage noong Lunes.
Sinabi ni Gatchalian na kailangang suriin ng NAIA ang mga pasilidad na dapat na nitong i-upgrade o palitan sa lalong madaling panahon.
Hindi anya katanggap-tanggap na nangyari na naman ang aberya ilang buwan lamang makaraang maparalisa ang buong air transport system pagpasok ng bagong taon.
Dapat ay natuto na anya ang pamunuan ng NAIA sa nakalipas na insidente at nagpatupad na ng nararapat na hakbang tulad ng paglalatag ng redundancy system.
Sa kabilang dako, dapat namang tiyakin ng Manila International Airport Authority (MIAA), Department of Transportation (DOTr) at airline companies na masusunod ang passenger rights, kasama na ang right to compensation and amenities para sa mga pasahero.
Ipinaalala pa ng senador na anumang pagkagambala o pagkaantala ng mga sistemang pang-transportasyon ay nagdudulot ng masamang epekto sa ekonomiya kaya dapay itong pagbuhusan ng pansin para hindi na pauilit-ulit ang mga aberya.