Cauayan City, Isabela- Pinuna ng mga Election Officers ang pamamalagi ng ilang kandidato sa mga pintuan ng Polling Precinct sa naganap na Barangay at Sk Eleksyon dito sa lungsod ng Cauayan.
Ito ang inihayag ni bagong Election Officer Meriam Ualat ng Cauayan City sa naging panayam ng RMN Cauayan kaninang umaga.
Aniya, bawal umano sa mga kandidato ang tumambay sa pintuan ng presinto maging ang pag-aabot ng sample ballots at pakikipag-kamay sa mga botante.
Ayon pa kay Election Officer Ualat na mayroon na umano silang sinitang kandidato na pasimpleng nangangampanya sa pamamagitan ng pakikipag-kamay sa mga botante kaya’t kanilang sinabihan na umuwi na lamang ang mga ito pagkatapos bumoto.
Samantala, nilinaw din ni Election Officer Meriam Ualat na nagsimula kaninang ala una ng madaling araw ang kanilang pagbibigay ng Election Paraphernalias sa bawat polling precincts upang maibigay ang mga ito ng mas maaga at upang handa nang gamitin ng mga botante.