Manila, Philippines – Tahasang inakusahan ni Communications Undersecretary Lorraine Badoy si Vice President Leni Robredo na pasimuno umano ng fake news at isa sa mga biktima umano nito si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ito ni Usec. Badoy sa pagdinig ng Senate Committee on Public Information and Mass Media na pinamumunuan ni Senator Grace Poe.
Tinukoy ni Badoy, na halimbawa ng umanoy pagkakalat ni Vice President Robredo ng fake news ang pagpapasama nito sa imahe ng bansa.
Nilinaw naman ni Badoy na ang akusasyon niya kay VP Leni ay personal niyang opinion at walang kinalaman ang Presidential Communications Operations Office o PCOO.
Ang nabanggit na pahayag ni Badoy ay bilang depensa sa sinabi ni Elen Tordesillas sa senate hearing na mismong si Pangulong Duterte ay pinagmumulan din ng fake news.
Mariin naman itong itinanggi ni Communications Secretary Martin Andanar at inimbitahan pa si Tordesillas para pag-usapan ang mga isyu nito laban kay Pangulong Duterte.