Paslit, nabutas ang lalamunan matapos mahulog nang may sipilyo sa bibig

Halos pulgada ang laki ng nabutas sa lalamunan ng isang 5-taon-gulang na babae sa Utah, United States matapos mahulog mula sa kama nang may nakasalpak pang sipilyo sa bibig.

Kuwento ng ama ng bata na si Mitchell Gravenmie, 27, nagtatatalon sa kama si Celeste kalaro ang 2-anyos na kapatid habang nagsisipilyo nang mangyari ang insidente, ayon sa ulat ng The Sun, Nob. 19.

Sinaway umano ni Gravenmie ang mga anak at nang malingat siya saglit para kausapin ang asawa ay narinig nilang sumigaw si Celeste.


Umaagos ang dugo mula sa bibig ng bata at nang gamitan ng flashlight para tingnan ang loob, nadiskubre nilang natusok ang lalamunan ng anak.

Dinala sa ospital si Celeste kung saan agarang isinagawa ang operasyon para tahiin at isara ang sugat na tumagal ng dalawang oras.

“We’re just glad [the toothbrush] didn’t go down her throat. [Doctors] said if it was any further to the sides, it could have severed a blood vessel and caused more significant bleeding,” ani Gravenmier.

Nagpapagaling na sa bahay ang bata na kasalukuyang malalambot at likidong pagkain pa lang ang puwedeng kainin hanggang sa susunod na dalawang linggo.

Sa isang Facebook post, nagpaalala ang ama ng bata sa ibang mga magulang kaugnay ng nangyari kay Celeste na ngayon ay kabado na umanong magsipilyo.

Mas magiging strikto na raw sila mula ngayon sa pagbabantay sa mga anak.

Facebook Comments