Binawian ng buhay ang 1-taong-gulang na paslit mula Saudi Arabia matapos maputol ang swab stick sa loob ng kanyang ilong habang nasa COVID-19 testing ito.
Sa report ng news portal Sabaq, naisugod sa Shaqra General Hospital ang bata para ipatingin dahil sa mataas nitong lagnat.
Agad siyang isinailalim sa pagsusuri para makumpirma kung positibo sa COVID-19.
Ngunit nang maipasok na ang swab stick sa ilong ng bata para sa ekasaminasyon, bigla itong naputol– rason para gumamit ng general anaesthesia ang mga doktor.
Kinailangan daw kasing mahila ang putol na stick mula sa kanyang lalamunan.
Ayon sa karagdagang ulat, nawalan ng malay ang kawawang bata dahil sa tila bara sa kanyang respiratory tract.
Makalipas ang 24 oras ay binawian ito ng buhay.
Sa salaysay naman ng ama ng bata na si Abdullah Al Joufan, una na siyang tumanggi na turukan ng general anaesthesia ang anak ngunit nagpumilit daw ang doktor.
Nakiusap daw siyang patingnan ang anak sa isang specialist doctor ngunit ayon sa mga staff ay naka-leave ang kanilang espesyalista.
Ikinagulat na lang daw ng lahat nang matapos ang isang araw ay nawalan ng malay ang bata bagama’t patuloy naman ang mga doktor na maisalba ito.
Nang lumala ang kondisyon ng anak ay nagpasya na siyang ilipat ito sa isang specialised hospital sa Riyadh kahit hindi umano pumayag ang ospital.
Sa kasamaang palad, huli na nang dumating ang ambulansya dahil idineklarang patay na ang paslit.
Hiling ng pamilya ng bata na maimbestigahan ang nangyaring insidente.