Pasok ng mga empleyado sa Executive Branch sa Lunes, suspendido simula alas-3:00 nang hapon — Malacañang

Hanggang alas-3:00 lamang ng hapon ang pasok ng empleyado sa mga opisina sa Executive Branch sa Lunes, September 23, bilang paggunita sa “Kainang Pamilya Mahalaga” Day.

Sa Memorandum Circular No. 64 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., nakasaad na alinsunod ito sa Proclamation No. 60 noong 1992, na nagdedeklara sa huling linggo ng Setyembre bilang Family Week.

Nakasaad din sa Proclamation No. 326 noong 2012 ang pagdedeklara sa huling Lunes ng Setyembre bilang “Kainang Pamilya Mahalaga” Day.


Nilinaw naman ng Palasyo na tuloy ang pasok at operasyon ng mga opisina sa Executive Branch na naghahatid ng basic at health services, naghahanda para sa sakuna, at may kinalaman sa iba pang vital services.

Hinikayat naman ang iba pang sangay ng pamahalaan, gayundin ang mga independent commission at government bodies, at pribadong sektor na magpatupad ng maagang uwian sa mga empleyado para mabigyan ng pagkakataong makapagsalo-salo kasama ang pamilya.

Facebook Comments