Pasok sa Agosto, ipagpaliban na muna ayon sa isang Kongresista

Inirekomenda ni Ang Probinsyano Rep. Ronnie Ong sa Department of Education (DepEd) na i-urong sa Setyembre o sa Oktubre ang pasukan sa mga paaralan sa halip na sa darating na Agosto.

Si Ong ay isa sa mga may akda ng Republic Act 11480 na nagbibigay kapangyarihan sa Pangulo ng bansa na i-reschedule o ilipat ang petsa ng pasukan kapag nasa State of Emergency o Calamity ang bansa.

Ayon sa kongresista, ngayon na napirmahan ni Pangulong Duterte ang batas ay may opsyon na para buksan ang klase sa ibang buwan o kaya ay kung kailan na lamang handa ang mga educational institution ng bansa na makapagsagawa ng klase sa ilalim ng bagong approach na ‘blended learning’.


Paliwanag ni Ong, ginawa nila ang batas upang hindi na ma-pressure ang DepEd sa pagbubukas ng klase gayong halata namang hindi talaga handa ang kagawaran para sa bagong sistema ng edukasyon ngayong may pandemya.

May pagkakataon na aniya ang DepEd na maghanda at gamitin ang panahon para matiyak na walang estudyante ang maiiwan.

Iminungkahi rin ng mambabatas na kung ipagpapaliban ang pasukan ay samantalahin na isailalim sa re-tool ang mga guro at ang sistema para maka-adapt sa new normal ng pagtuturo na blended learning.

Facebook Comments