Balik na sa normal na operasyon ang central office ng Bureau of Immigration (BI) simula bukas, June 15.
Ito’y matapos isailalim sa temporary closure at disinfection ang main building ng kawanihan matapos magpositibo ang isang empleyado sa COVID-19.
Kasabay nito, mahigit 3,000 opisyal at empleyado nito sa buong bansa ang sumailalim sa mandatory rapid test.
Sa inilabas na abiso ni BI Commissioner Jaime Morente, pinapayuhan nito ang mga kliyente na mayroong confirmed online appointments mula June 8 hanggang 11 na alamin na ang bago nilang schedule at iba pang anunsyo sa official website na immigration.gov.ph.
Samantala, lahat ng mga BI officials at employees na hindi pa sumalang sa anti-body rapid test ay mananatili sa kanilang ‘work from home scheme.’
May opsyon din ang iba pang empleyado na mag pa-test sa mga government accredited hospital o facilities na nagsasagawa ng COVID-19 rapid test.