Nagdesisyon ang liderato ng Kamara na suspendihin na muna ang trabaho sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ito ay dahil sa gitna pa rin ng patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa kung saan pumalo sa 8,019 ang mga bagong kaso ng sakit ngayong araw.
Sa ibinabang memorandum ng tanggapan ni House Secretary General Mark Llandro Mendoza, simula bukas, March 23, hanggang sa Miyerkoles, March 24, ay wala munang pasok sa Kamara.
Mananatili naman ang skeletal force sa ilang tanggapan sa Kamara, katulad ng Office of the Secretary General, Finance Department, Engineering Department at Office of the Sergeant at Arms/Legislative Security Bureau.
Ito ay para matiyak na patuloy pa rin ang mga serbisyo sa Batasan Complex.
Magbabalik naman sa Huwebes, March 25, ang pasok at sesyon sa Kamara sa ganap na alas-nuebe ng umaga.
Samantala, nauna nang inilabas ng Office of the Secretary General na 20 kongresista lamang ang papayagang pisikal na dumalo sa sesyon habang ang ibang mambabatas ay hinihikayat na dumalo ng sesyon sa pamamagitan ng video conferencing.