Bilang paggunita sa Semana Santa, sinuspindi ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang pasok ng mga empleyado ng kanilang City Hall.
Sa inilabas na abiso ni Manila City Administrator Felix Espiritu, hanggang alas-12:00 na lamang ng tanghali ang pasok ngayong Miyerkules Santo kung saan sa Lunes na muli ang balik operasyn ng kanilang mga tanggapan.
Ang ilan naman departamento, opisina at bureau na ang trabaho ay may kaugnayan sa pagresponde sa sakuna at kalamidad ay magpapatupad ng skeletal workforce sa kanilang mga tauhan para maging handa sa hindi inaasahang pangyayari.
Samantala, inanunsiyo rin ng Manila LGU na wala munang gagawing pagbabakuna kontra COVID-19 sa Huwebes Santo at Sabado de Gloria o April 14 hanggang April 16, 2022.
Nabatid na magbabalik ang ikinakasang pagbabakuna ng lokal na pamahalaan ng Maynila sa Linggo ng Pagkabuhay o April 17, 2022 kung saan abangan ang iba pang anunsiyo sa social media pages ng Manila LGU para sa ibang detalye.
Ang pagsasagawa naman ng swab test ay limitado o ikakasa lamang sa Sta. Ana Hospital pero kinakailangan munang magpa-schedule at ang magpo-positibo at kinakailangan ma-admit ay maaaring tumawag sa 0998-9364808 para madala o maihatid sa Manila COVID-19 Field Hospital.