Pansamantalang sinuspinde ang pasok ng mga kawani ng Commission on Elections (COMELEC) matapos masunog ang ika-anim na palapag ng Palacio del Gobernador Building sa Intramuros, Maynila kaninang tanghali.
Ayon kay COMELEC Chairman George Garcia, nagsimula ang sunog sa opisina ng kooperatiba ng Bureau of Treasury.
Nilinaw naman ng Komisyon, na bagama’t pansamantalang sinuspinde ang pag-i-isyu ng Voter’s Registration Records at Certification mula sa National Central File Division at Overseas Voter’s Certificates na nasa ika-pitong palapag ng gusali, hindi naman daw ito makaka-apekto sa paghahanda nila sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre.
Magugunitang noong July 31, 2022, nagkasunog din sa ika-pitong palapag ng Palacio del Gobernador kung saan matatagpuan ang Information Technology Department ng COMELEC.