Pasok sa trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno sa sangay ng ehekutibo, suspendido simula alas-3:00 ng hapon sa lunes, September 25, 2023

Sinuspinde ng Malacañang ang trabaho sa mga tanggapan ng pamahalaan sa sangay ng ehekutibo mula alas-3:00 ng hapon sa Lunes, September 25, 2023.

Batay sa inilabas na Memorandum Circular No. 32 ng Palasyo, nakasaad na batay ito sa Proclamation No. 60 Series of 1992.

Ito ay nagdedeklara sa huling linggo ng Setyembre kada taon bilang family week at para magkaroon ng pagkakataon ang lahat ng kawani ng pamahalaan at kanilang pamilya na makapagdiwang sa kani kanilang tahanan.


Pero ang mga ahensya na ang tungkulin ay ang paghahatid ng pangunahin at serbisyong pangkalusugan, paghahanda o pagtugon sa kalamidad at sakuna at iba pang emergency, ay magpapatuloy ang operasyon.

Hinimok din ng Palasyo ang lahat ng mga kawani ng gobyerno sa sangay ng ehekutibo na suportahan ang mga programa at aktibidad na may kaugnayan sa pag-obserba ng family week.

Ito ay inihanda at binuo ng National Committee on the Filipino Family.

Nakapaloob naman sa memorandum na ang pagsuspinde ng trabaho sa iba pang sangay ng gobyerno maging sa pribadong sektor ay hinihikayat ng palasyo.

Ito ay para mabigyan ng pagkakataon ang mga pamilyang Pilipino na makapagdiwang ng ika-31 National Family Week.

Facebook Comments