Simula alas-3:30 ng hapon sa Lunes, Setyembre 27 sususpindehin ang trabaho sa mga government offices sa ilalim ng Executive Branch.
Ito ay upang bigyang daan ang Kainang Pamilya Mahalaga Day, kasabay na rin ng selebrasyon ng Family Week tuwing huling linggo ng Setyembre.
Mula sa ilalim ng Memoradum Circular no. 90, hinihikayat ng Malacañang ang lahat ng government workers na suportahan ang family week celebration na inihanda ng National Committee on the Filipino Family (NCFF).
Nilinaw naman sa memorandum na ang mga tanggapan ng pamahalaan na nasa linya ng basic at health service, disaster o calamity preparedness o response, at ang iba pang nagbibigay ng mahalagang serbisyo ay kailangang magpatuloy na magampanan ang kanilang tungkulin.
Hinihikayat din ng Palasyo ang work suspension sa iba pang sangay ng pamahalaan, independent commission, at maging sa pribadong sektor, upang mabigyan ng pagkakataon ang lahat ng pamilyang Pilipino na makapagdiwang ng ika-29 na National Family Week.