
Inalmahan ni Atty. Gilbert Repizo, hepe ng Board of Special Inquiry ng Bureau of Immigration (BI), ang sinasabing “pagpuwersa” sa Bids and Awards Committee (BAC) members na huwag nang baguhin at pirmahan na lang basta ang terms of reference para sa P2.9 billion E-Gates project.
Ang TOR ng multi-bilyong pisong E-Gates project ay galing sa Department of Justice (DOJ) at ipinasa sa Bureau of Immigration para reviewhin.
Sinabi ni Repizo na hindi katanggap-tanggap ang biglang pag-eksena ni BI Commissioner Joel Anthony Viado sa kanilang meeting at paninigaw nito sa kanilang mga miyembro na binubuo ng mga division chiefs na pinangungunahan ni Deputy Commissioner Daniel Laogan.
Giit pa ni Repizo, gusto ni Viado na mapirmahan na agad-agad ang E-Gates project TOR kung saan ang panghihimasok ng pinuno ng mga ahensiya ng gobyerno sa trabaho at tungkulin ng BAC ay mahigpit na ipinagbabawal.
Ayon pa kay Repizo, nakahanda naman siyang suportahan ang importanteng proyekto subalit kailangan muna nila itong pag-aralang mabuti, lalo’t hindi pa masagot ng ilang bidders ang mga “basic questions” tungkol sa proyekto.
Sinabi naman ni Viado na hindi pa niya nakikita o nababasa ang social media post kung kaya’t hindi muna na siya nagkomento.









