Friday, January 30, 2026

Passenger vessel na MV Maria Rebecca, pinayagan ng MARINA na pansamantalang bumiyahe sa Zamboanga-Lamitan, Basilan

Dumating na sa pantalan ng Zamboanga City ang MV Maria Rebecca ng Montenegro Shipping Lines.

Ito’y upang pansamantalang magsilbi sa Zamboanga–Lamitan, Basilan route, na kamakailan ay naging unserved o nawalan ng bumibiyaheng passenger vessel matapos ang pag-suspinde sa operasyon ng Aleson Shipping Lines.

Ang MV Maria Rebecca, na may kapasidad na 522 pasahero, ay inaasahang magpapatuloy ng biyahe patungong Lamitan upang matiyak na hindi mapuputol ang mahalagang sea link sa pagitan ng Zamboanga at Basilan.

Kaugnay nito, tiniyak ng pamunuan ng Maritime Industry Authority (MARINA) na walang anumang taas-pasahe na ipatutupad.

Matatandaang sinuspinde ang buong passenger fleet ng Aleson Shipping Lines kasunod ng trahedyang paglubog ng MV Kerstin 3, na ikinasawi ng maraming pasahero.

Dahil dito, nagpapatuloy ang masusing safety inspection sa lahat ng kanilang passenger vessels, kasabay ng isang comprehensive audit sa Safety Management System ng nasabing shipping line.

Facebook Comments