PASSPORT APPOINTMENT SYSTEM | DFA, tiniyak na gumagawa na ng solusyon sa problema

Manila, Philippines – Tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) na gumagawa ng paraan ang ahensya para resolbahin ang problema sa Passport Appointment System.

Ayon kay DFA Usec. Jose Luis Montales kabilang sa ikinukunsiderang solusyon ang pagbubukas ng kanilang tanggapan sa ASEANA tuwing Sabado, pagdaragdag ng consular office at paggamit ng e-payment system.

Mabigat aniya ang problema sa isyung ito dahil lumaki ang demand para sa pasaporte pero hindi naman sila nadadagdagan ng tauhan.


Samantala, nabunyag din sa pagdinig ng House Committee on Foreign Affairs ang laganap na paggamit ng mga sindikato sa Facebook para sa iba’t-ibang scam sa pagkuha ng appointment slots para sa passport application.

Apat na uri ng scam sa Facebook ang natuklasan at pinaiimbestigahan na sa mga otoridad.

Mayroon umanong nagpapa-fill up ng application na may pekeng bar code at appointment details, mayroon ding nanloloko na mayroong siguradong slot sa courtesy lane at nagbebenta ng lehitimong endorsement galing sa mga tanggapan ng gobyerno kapalit ng appointment slot.

Dahil dito, pinag-iingat ng DFA ang publiko na huwag tangkilikin ang mga ganitong Facebook pages dahil hindi ito kinikilala ng ahensya.

Facebook Comments