Pastor Apollo Quiboloy hindi pinahinto si ‘Tisoy’ dahil sa bashers

Video from Ito ang Buhay page on Facebook.

Hindi umano pinahinto ni Pastor Apollo Quiboloy ang pananalasa ng bagyong ‘Tisoy’ dahil sa mga kritiko at bashers.

Ito ang tahasang sagot ng nagpakilalang “Appointed Son of God” sa Facebook video na ibinahagi ng netizen na si Ito Ang Buhay.

“Kasi nung ini-stop ko yung earthquake, nagalit man sila. Binash ako ng napakarami. So, baka i-stop ko yung bagyo magalit baka magalit na naman. O, kaya pinabayaan na natin,” pahayag niya sa isang video sa Facebook.


“Mag-pray na lang tayo ‘yung bagyo lumampas na lang. E, di ngayon normal na. Tulungan na lang natin ‘yung mga nasalanta,” mensahe pa ng religious leader.

Ayon kay Quiboloy, palagi niyang pinagdarasal ang kaligtasan ng sambayanan laban sa mga sakuna at handa siyang tumulong sa mga apektadong sibilyan, kahit basher pa niya ito.

Magugunitang binatikos ng publiko ang founder ng Kingdom of Jesus Christ matapos sabihing ipinatigil niya ang lindol na yumanig sa Mindanao noong Oktubre.

“Ako’y umiinom lang ng kape eh, lumilindol. Sinabi ko, ‘lindol huminto ka!’ Huminto,” saad niya noon sa isang televised show.

Sa huling datos ng NDRRMC, umakyat na sa siyam ang bilang ng namatay at 19 ang sugatan dulot ng hagupit ni ‘Tisoy’. Aabot naman sa mahigit P3 bilyon ang halaga ng pinsalang iniwan ng nasabing bagyo sa Pilipinas.

Facebook Comments