Pastor Apollo Quiboloy, pinalilipat ng QC RTC sa QC Jail

Pinalilipat na ng Quezon City Regional Trial Court (QC RTC) sa Quezon City Jail si Pastor Apollo Quiboloy at apat na iba pang akusado sa kasong sexual at child abuse.

Sa inilabas na kautusan ni QCRTC Branch 106 Presiding Judge Noel Parel, si Pastor Quiboloy at Cresente Canada ay pinapa-detain sa Quezon City Jail sa Payatas Road, Bagong Silangan, Quezon City.

Habang ang tatlo pang kapwa akusado na sina Jackielyn W. Roy, Ingrid C. Canada at Sylvia Cemañes ay sa Quezon City Jail-Female Dormitory sa Camp Karingal.


Laman din ng kautusan na kailangang iharap sa arraignment si Pastor Quiboloy at apat na iba sa September 13, 2024 sa ganap na alas-8:30 ng umaga.

Ang arraignment at pre-trial ay gaganapin sa Biyernes sa pamamagitan ng video conference.

Sa ngayon ay inaantabayanan na kung agad na tatalima rito ang Philippine National Police (PNP) dahil sa mayroon pang Pasig City RTC na naglabas din ng hiwalay na Warrant of Arrest laban sa naaresto o sumukong si Pastor Apollo Quiboloy na nakakulong sa PNP Detention Cell sa Camp Crame.

Facebook Comments