Pastor, arestado matapos manghalay ng estudyante sa loob ng eroplano

Inaresto ang isang 65-anyos na pastor mula Louisiana matapos sampahan ng kasong panghahalay sa isang 19-anyos na lalaki habang nasa flight papuntang New Jersey.

Kinilala ang biktima na isang theological seminary student at noo’y nasa byahe kasama ang pastor na si Cornelius Tilton, sinasabing head ng Irish Channel Christian Fellowship church.

Ayon sa ulat, nasa isang religious trip papuntang Israel ang biktima kasama ang iba pang mga estudyante kung saan si Tilton ang kanilang official guide.


Ngunit paglipad daw nila pabalik sa New Jersey ay nangyari ang krimen.

Sa salaysay ng biktima, bigla na lamang daw siyang hinipuan ng pastor mula binti paitaas hanggang sa hinawakan na umano nito ang maselang parte ng kanyang katawan.

Dahil sa kagustuhang maitigil ang pangyayari ay nagtungo raw siya sa banyo ngunit sinundan siya ng pastor.

Nang makabalik sa kinauupuan, ipinagpatuloy umano ni Tilton ang panghahalay nang hipuan nito ang ibabang bahagi ng kanyang likuran.

Nang magtangka umanong ilagay ng suspek ang kamay sa loob ng kanyang pantalon, dito na raw siya naglakas-loob na magsumbong sa flight attendant ng eroplano.

Agad na inaresto si Tilton nang makarating ang grupo sa Newark at sinampahan ng abusive sexual contact kung saan maaari siyang maharap sa dalawang taong pagkakakulong o $250,000 (12,723,500.00php) multa kapag nahatulan.

Samantala, kilala si Tilton bilang general president ng Christian Bible College of Louisiana mula taong 1988.

Wala namang inilabas na pahayag ang bible college sa nangyari.

Facebook Comments