Ipina-subpoena ng House Committee on Legislative Franchises si Pastor Apollo Quiboloy, makaraang hindi ito muli sumipot sa pagdinig kaugnay ng panukala na bawiin ng Kongreso ang prangkisa na ibinigay sa Sonshine Media Network International (SMNI) dahil sa iba’t ibang paglabag.
Ayon sa vice chairman ng komite na si Surigao del Sur Representative Johnny Pimentel kapag hindi pa rin dumalo si Quiboloy sa susunod na pagdinig ay mapipilitan silang ipa-cite in contempt ito at ipaaaresto.
Sabi ni Pimentel, ilang ulit ng nabanggit sa pagdinig ang pangalan ni Quiboloy na sinasabing honorary chairman ng SMNI kaya dapat itong humarap upang sumagot sa mga tanong.
Para kay Pimentel, dapat din ay iendorso ng komite ang pagbasura sa prangkisa ng SMNI makaraang lumabas sa pagdinig na mayroon itong paglabag sa four sections ng legislative franchise nito.
Ipinunto naman ni Gabriela Representative Arlene Brosas na bagama’t sinuspinde ng National Telecommunications Commission (NTC) ang radio at television broadcasting operations ng SMNI ay nagpapatuloy pa rin ang mga online social media platforms nito.
Bukod kay Brosas ay inireklamo rin nina Kabataan Representative Raoul Daniel Manuel at Alliance of Concerned Teachers Representative France Castro ang social media presence ng SMNI kung saan maaari pa rin umano itong magsagawa ng red-tagging at maglabas ng hindi beripikadong mga impormasyon.