Umaasa si House Deputy Minority Leader at Bagong Henerasyon Party-list Representative Bernadette Herrera na hindi na babawiin ng Department of Information and Communications Technology o DICT ang naunang pasya na huwag palawagin ang deadline ng SIM registration sa April 26.
Naniniwala si Herrera na ang ganitong posisyon ng DICT ay mag-oobliga sa publiko na magparehistro na upang hindi ma-deactivate ang kanilang mga numero alinsunod sa itinatakd ang SIM Registration Law.
Pinayuhan din ni Herrera ang mga hindi pa nakakapagparehistro ng SIM card na samantalahin ang long weekend mula ngayong araw, April 21 para irehistro ang kanilang mga numero.
Kaugnay nito ay hinikayat naman ni Herrera ang mga telecommunication companies na kanselahin ang leave ng kanilang mga empleyado sa mga susunod na araw para maasistehan ang mga hahabol na magparehistro sa kanilang mga branches, service outlets, at service kiosks.
Pinapatiyak naman ni Herrera sa mga telcos at mga kinauukulang ahensya na hindi makaka-eksena ang mga scammers at spammers para mapagsamantalahan ang mga magkukumahog na irehistro ang kanilang SIM bago sumapit ang deadline sa darating na Miyerkules.