
Iginiit ni Manila 2nd District Rep. Ronaldo Valeriano na kailangang ikasa ang malawakang reporma sa buong Philippine National Police (PNP) mula sa precinct level hanggang sa national headquarters.
Mensahe ito ni Valeriano makaraang pagtibayin ng Supreme Court kamakailan ang hatol laban sa mga pulis na sangkot sa pagpatay kay Kian Loyd Delos Santos na nangyari sa ilalim ng implementasyon ng war on drugs.
Ayon kay Valeriano, pangunahing dapat tuldukan ng PNP ang kabiguang mapanagot ang mga tiwaling opisyal nito upang hindi na maulit ang pagkasawi ng isang katulad ni Kian delos santos sa kamay ng mga alagad ng batas.
Dagdag pa ni Valeriano, maraming mga abusado at tiwaling mga opisyal ng PNP ang nagsisilbing alagad ng mga makapangyarihan sa bansa.
Sabi ni Valeriano, patunay nito ang pagkakasangkot nila sa panggagahasa at pagpatay ng mga sibilyan tulad sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Tiwala naman si Valeriano na pangungunahan ni DILG Secretary Jonvic Remulla at ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang lubos na paglilinis sa hanay ng pambansang pulisya.










