Suportado ni House Committee on Ways and Means Chairman at Albay 2nd District Representative Joey Salceda ang desisyon ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., na huwag ng palawigin ang deklarasyon ng State of Calamity dahil sa COVID-19 na nagtapos nitong December 2022.
Ayon kay Salceda, ang pasya ni Pangulong Marcos ay umaayon sa deklarasyon ng World Health Organization (WHO) na ang COVID-19 pandemic ay hindi na maituturing na global health emergency.
Diin ni Salceda, ang pasya ni PBBM ay malinaw na nakabase sa pinakamahusay na global and local health information.
Bunsod nito ay sinabi ni Salceda na maibubuhos na ang limitadong pondo ng gobyerno tulad ng local calamity funds sa iba pang problemang higit na nangangailangan ng atensyon kumpara sa COVID 19 pandemic.
Inihalimbawa ni Salceda ang pananalasa ng mga kalamidad at matinding pinsala sa agrikultura.
Para kay Salceda, matagal na tayong nasa endemic stage at naging opisyal ito dahil sa pasya ni Pangulong Marcos na hindi na palalawigin ang state of public health emergency.