Nasawi ang isang suspected COVID-19 patient sa India matapos umanong tanggalin ng kaanak ang ventilator para magsaksak ng air cooler.
Dinala ang 40-anyos na lalaki sa intensive care unit (ICU) ng Maharao Bhim Singh (MBS) Hospital noong June 13 at kinabitan ng ventilator dahil sa respiratory complication, ayon sa ulat ng Times of India.
Makaraan ang dalawang araw, June 15, inilipat sa isolation ward ang hindi pinangalanang lalaki matapos na may pasyenteng magpositibo sa COVID-19 sa ICU bilang safety measure.
Kinagabihan, nang magdala umano ng sariling air cooler ang mga kamag-anak ng pasyente dahil mainit sa ward, ngunit wala ng bakanteng saksakan dito.
Binunot umano nila ang ventilator at ipinalit ang cooler nang walang pasabi sa staff, hanggang sa maubos ang baterya nito makalipas ang 30 minuto, at hindi na nakahinga pa ang pasyente.
Nang mag-alarm, sumugod ang medical staff sa kuwarto at agad binigyan ng CPR ang pasyente, ngunit hindi na ito nasagip pa.
Ayon kay MBS superintendent Dr. Navin Saxena, bumuo na ang ospital ng komite na mag-iimbestiga sa naturang insidente.
“It’s a serious issue of carelessness, whether committed by the patient’s family members or the medical staff in the ward, and appropriate action would be taken against whoever is found responsible in the probe report,” aniya.
Kalaunan, lumabas ang resulta na negatibo sa novel coronavirus disease ang pasyente.