Tiniyak ng Municipal Legal Office ng Taytay, Rizal na mabibigyan ng hustisya ang pamilya ng pasyenteng dinala sa Taytay Emergency Hospital ang isang babaeng pasyente na nasawi matapos na tanggihang umanong i-admit.
Ayon kay Taytay, Rizal Mayor Joric Gacula, nag-utos na siya ng malawakang imbestigasyon para malaman kung ano ang totoong nangyari sa insidente.
Base sa nag viral video na in-upload ni Brian Joshua Rosento, nasawi ang kanyang ina noong Lunes matapos tanggihan sa Taytay Emergency Hospital kahit 50/50 na ang pasyente.
Paliwanag ni Rosento, nagka-allergy daw ang kanyang ina sa gamot na nainom para sa Myoma kaya hindi ito makahinga.
Inakala umano ng Taytay Emergency na COVID-19 patient ang kanyang ina kung kaya’t hindi ito tinanggap.
Dahil dito, naghanap sila ng ibang hospital hanggang sa umabot sila sa Quirino Memorial Medical Center sa Quezon City kung saan hindi rin nagtagal ang buhay ng kanyang ina.
Masusing inaalam ng alkalde kung sino ang may pagkakamali at pagkakasala para may managot sa naturang insidente.
Binibigyan niya rin umano ng pagkakataon marinig ang magkabilang panig sa naturang pangyayari.
Matatandaan na mayroong kautusan si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga ospital sa bansa na huwag tanggihan ang mga pasyenteng infected ng COVID-19. Ang sinumang lalabag dito ay mahaharap sa kaukulang kaparusahan.
Sa ngayon, 9 ang nasawi, 12 ang nakarekober habang 41 na ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Taytay Rizal, 61 ang suspected at 2 probable case.