Pat. Francis Fontillas, hindi pa naisasailalim sa neuropsychiatric examination — PCol. Buslig

Inamin ni QCPD acting District Director PCol. Melecio Buslig Jr. na wala pang naisasagawang Neuropsychiatric examinations kay Patrolman Francis Fontillas.

Ito ang inihayag ni PCol. Buslig kasunod ng patuloy pa ring pagiging aktibo ni Fontillas sa social media at tuloy-tuloy sa pag-post laban sa PNP at sinumang nais nitong tuligsain.

Ayon kay PCol. Buslig, hindi natuloy ang procedure para sa psychiatric exam noong Lunes dahil tumanggi na ito nang last minute.


Sa ngayon ani PCol. Buslig, officially ay ikinokonsidera nang AWOL sa PNP service si Fontillas.

Samantala, inihayag naman ni PLt.Col. Van Jayson Villamor, ang hepe ng QCPD Medical and Dental Unit na kinakitaan na nila ng mga senyales o red flag na mayroong mental o psychological problem si Fontillas.

Paliwanag pa ni Villamor, hindi raw ma-control ni Fontillas ang kanyang emosyon at may mga biglaan itong pagbabago sa kanyang pag-iisip at kadalasan ay madaling magalit.

Sa katunayan, sabi ni Dr. Villamor ay umiinom ito ng gamot o anti-suppressant o pampakalma si Fontillas.

Sa tala ng QCPD, Feb. 11 pa nadis-armahan na si Fontillas dahil sa mayroon na silang mga patawag sa kanya para magpaliwanag pero hindi ito tumatalima.

Giit pa ng opisyal kapag umabot ng 30-days ay isusulong na raw ng QCPD ang proseso ng dismissal from service laban kay Patrolman Fontillas.

Facebook Comments