Patakaran kaugnay sa motorcycle taxi program, kailangang baguhin at iakma sa probinsya kung saan ito ipatutupad kumpara sa Metro Manila

Suportado ni Quezon Rep. Reynan Arrogancia ang pagpapalawig ng Motorcycle Taxi Program hanggang sa mga lalawigan.

Naniniwala si Arrogancia na malaking tulong ang motorcycle taxi sa mga probinsya kung saan hindi lahat ng residente ay may kakayahang magrenta o bumili ng kotse at iba pang sasakyan.

Pero giit ni Arrogancia kailangang maglatag ng hiwalay na pamantayan sa mga lalawigan para sa motorcycle taxi dahil iba ang sitwasyon sa nabanggit na mga lugar kumpara dito sa Metro Manila.


Tinukoy rin ni Arrogancia na hindi lahat ng taga-probinsya ay may access sa digital platforms.

Sabi ni Arrogancia, kailangan ding maglatag ng espisipikong ruta, maglagay ng reflectorized markings at stickers para sa ligtas na pagbiyahe at magpatupad ng curfew.

Iminungkahi rin ni Arrogancia na isailalim ng Land Transportation Authority at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang lahat ng motorcycle riders at tricycle drivers para maging maayos at maingat ang kanilang pagmamaneho habang sumusunod ng mahigpit sa lahat ng traffic rules.

Facebook Comments