
Pinamamadali na ni Albay 3rd District Representative Raymond Adrian Salceda sa Department of Budget and Management (DBM) at Department of Health (DOH) ang paglalatag ng patakaran para sa paglalabas ng Health Emergency Allowance sa mga healthcare workers na nagsilbi noong COVID-19 pandemic.
Ayon kay Salceda, nakapaloob sa 2026 national budget na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., ang ₱6.77 billion para sa Public Health Emergency Benefits and Allowances ng mga health and non-healthcare workers.
Giit ni Salceda, ito ay utang kaya sana ay madaliin at pasimplehin ang mga requirements para agad maibigay sa mga health workers na nagbuwis ng kanilang buhay noong panahon ng pandemya.
Mungkahi ni Salceda, gawing sapat na ang sworn affidavit ng healthcare workers kung saan nakasaad ang period at nature of service at iba pang detalye na isusumite sa DOH na siyang magva-validate sa record.
Ipo-proseso naman ng DBM ang payments habang ang Commission on Audit ang magsasagawa ng post-audit verification.










