Ikinalugod ng international organization na Oceana ang inilabas na patakaran ng Department of the Interior and Local Government o DILG patungkol sa tamang disposal o pagtatapon ng mga basura mula sa mga campaign materials.
Pinuri ng grupo ang ginawang pagpapaalala ng DILG sa mga kandidato at sa kanilang mga supporters hinggil sa mga basurang idinulot ng mga kampanya mula sa katatapos na halalan.
Ipinaalala naman ni Oceana Vice President Gloria Estenzo Ramos ang Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000 kaugnay sa tungkulin ng mga lokal na pamahalaan, mga ahensya at iba pang sektor.
Pangunahin dito aniya ang mga pananggalang sa iligal na pagtatapon at pagsusunog, at ang paglalatag ng mga hakbang para gamitin sa iba pang pamamaraan ang mga ginamit sa kampanya.
Tiwala naman ang grupo na gagawin ng mga pinuno ng Local Government Units (LGUs) at mga kagawaran partikular ang Department of Environment and Natural Resources o DENR na gampanan ang kanilang mga tungkulin sa pangangasiwa sa mga basura.