Umapela ang anim na senador sa Land Transportation Office (LTO) na linawin muna ang guidelines o patakaran para sa Child Car Seat Law bago ito ipatupad para sa mga batang edad 12 pababa.
Ang apela ay nakapaloob sa Senate Resolution Number 633 na inihain nina Senators Sonny Angara, Joel Villanueva, Sherwin Gatchalian, Grace Poe, Nancy Binay at Majority Leader Juan Miguel Zubiri.
Kumbinsido ang mga senador na maganda ang layunin ng batas para protektahan ang kaligtasan ng mga bata pero maraming isyu na dapat plantsahin.
Pangunahing ipinunto ng mga senador ang kawala pa ng LTO ng istasyon para magkabit ng mga car seats at magsertipika na ito ay fit-for-use o walang sira.
Wala pa ring brand at modelo ng car seat na itinatakda ang Bureau of Product Standards ng Department of Trade and Industry (DTI).
Diin pa ng mga senador, dapat ding ikonsidera na mahirap ang buhay ngayong pandemya kaya malaking gastos ang pagbili ng car seat.
Katwiran pa ng mga senador, hindi rin urgent o agarang dapat ipatupad ang batas dahil bawal pang lumabas ang mga bata kaya mainam na iurong muna ang implementasyon nito.