Wala pang plano ang Department of Health (DOH) na palitan ang mga patakaran sa paggamit ng antigen tests sa gitna ng banta ng Omicron COVID-19 variant.
Ito ay matapos sabihin ng United States Food and Drug Administration na mas mababa ang sensitivity ng rapid antigen tests sa pag-detect ng Omicron variant.
Ayon kay DOH Health Promotion Bureau Director Dr. Beverly Ho, ang testing ay dapat gamitin sa tamang paraan at panahon.
Aniya, sa simula pa lamang ay tinukoy na nila ang limitasyon at benepisyo ng antigen test.
Bagama’t mabilis ang resulta at mura, mahusay aniya itong magagamit sa mga indibidwal na asymptomatic o may sintomas o sa mga taong malaki ang tyansang mahawa ng virus.
Giit pa ni Ho, kahit magnegatibo sa rapid antigen ay hindi nangangahulugan na walang virus ang sinuri.
Kung may sintomas aniya kahit pa mild o na-expose sa tinamaan ng sakit, mas mabuting sundan ang negatibong antigen test ng RT-PCR test sa pagitan ng ikatlo hanggang ikalimang araw para makasiguro.