Pinapalinaw ni Senador Win Gatchalian sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) ang patakaran sa paggamit ng face shields.
Ayon kay Gatchalian, ito ay upang maiwasan ang kalituhan ng publiko, lalo na’t iba-iba ang patakaran ng mga lokal na pamahalaan sa paggamit ng face shields.
Binanggit ni Gatchalian na kamakailan ay naglabas din ng kani-kaniyang patakaran ang Department of Transportation (DOTr), Department of Trade and Industry (DTI) at ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa paggamit ng face shields.
Dahil dito, kailangan aniyang magsuot ang mga mamamayan ng face shield sa mga pampublikong sasakyan at sa kanilang mga trabaho.
Pero sabi ni Gatchalian, hindi pa klaro kung dapat ba ang pagsuot ng face shields sa lahat ng mga pampublikong lugar.
Dagdag pa ni Gatchalian, dapat ding suriing mabuti ang presyo ng face shields lalo’t aabot na sa malaking halaga kapag bumili nito ang lahat ng miyembro ng pamilya.
Ikinatwiran ni Gatchalian na bagama’t inianunsyo ng DTI na ₱50 ang Suggested Retail Price (SRP) ng kada face shields ay umaabot pa rin hanggang ₱200 ang presyo nito sa merkado na nagiging isyu sa ating mga kababayan.