Ipinauubaya na ng Metro Manila Council (MMC) sa Inter-Agency Task Force (IATF) at mga health expert ang desisyon kung aalisin na ang patakaran hinggil sa pagsusuot ng face shield.
Ayon kay MMDA Chairman Benjur Abalos, sang-ayon din siya na gawin na lamang boluntaryo ang pagsusuot ng face shield.
Gayunman, hindi pangungunahan ng MMDA at ng Metro Manila mayors ang magiging desisyon ng IATF.
Una rito, sinabi ni Health Sec. Francisco Duque III na pinag-aaralan na ng kanilang Technical Advisory Group ang posibilidad na hindi na i-require ang pagsusuot ng face shield.
Samantala, para kay Dr. Edsel Salvana, miyembro ng Technical Advisory Group ng DOH, mainam na magdahan-dahan muna sa pagbabawas ng mga polisiya kontra COVID-19.
Inihalimbawa niya ang Singapore at Denmark na dumaranas ngayon ng COVID-19 surge matapos silang magtanggal ng face mask.
Sa pinakahuling panuntunan ng IATF na inilabas noong Setyembre, required pa ring magsuot ng face shield sa mga closed, crowded at close-contact spaces.