Patakaran sa pagtaas ng minimum wage, pinare-review ng isang senador

Ipinarerepaso ni Senator Raffy Tulfo ang kasalukuyang mga patakaran para sa pagtaas ng minimum wage ng mga manggagawa sa bansa.

Layunin ng Senate Resolution 476 na inihain ni Tulfo na mapaghusay ang kalidad ng pamumuhay ng mga manggagawa lalo na ang mga kabilang sa lower income bracket.

Tinukoy sa resolusyon na ang pinakahuling minimum wage increase na ipinatupad noong nakaraang taon ay hindi makasasapat para makapagbigay ng maayos na pamumuhay sa mga manggagawa lalo pa’t marami sa mga kababayan hanggang sa ngayon ang nakakaranas ng problemang pinansyal.


Inaatasan sa resolusyon ang Senate Committee on Labor na i-review ang umiiral na polisiya sa pagtataas ng minimum wage na magreresulta sa pagbibigay ng mas pinabuti at de kalidad na antas ng pamumuhay sa mga manggagawa.

Sinabi ni Tulfo na responsibilidad ng pamahalaan na tiyaking ang minimum wage ay makapagkakaloob ng disenteng estado ng pamumuhay lalo sa panahon ngayon na apektado ng mataas na inflation ang mga ordinaryong mamamayan.

Noong nakaraang taon ay itinaas sa P570 kada araw ang minimum wage sa National Capital Region (NCR) mula sa dating P533 habang ang minimim wage kada araw sa labas ng Metro Manila ay itinakda naman sa P306 hanggang P470.

Facebook Comments