Pinapalinaw ni Senador Imee Marcos sa Department of Finance (DOF) ang back-to-office order nito na sumasalungat sa mga inaprubahan nang work-from-home program bago umiral ang COVID-19 pandemic.
Ayon kay Marcos, magdudulot ng kawalang gana sa mga dayuhang mamuhunan sa bansa ang kawalan ng komprehensibong patakaran sa mga work-from-home arrangement.
Dagdag ni Marcos, pahihirapan din nito ang susunod na administrasyon para mapanatili ang paglago ng foreign investment sa Pilipinas.
Paalala ni Marcos, unang inaprubahan ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) ang mga pre-pandemic WFH programs ng mga kompanya na kabilang sa sektor ng information technology at business process management o IT-BPM.
Tinukoy ni Marcos na base sa datos ng PEZA, kabila ng dalawang taong pandemya at sa ilalim ng mga kondisyong work-from-home ay lumago pa rin ang bilang ng mga manggagawa o empleyado sa IT-BPM sector ng 8.9% hanggang 10%, pati na rin ang kita nito ng 9.5% hanggang 14.5%.
Kaya naman suportado ni Marcos ang panawagan ng PEZA na paabutin ang mga WFH program hanggang Setyembre, kung kalian matatapos ang deklarasyon ng gobyerno ng state of calamity sa bansa.