Ipinanawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 75th anniversary ng United Nations General Assembly (UNGA) na ang lahat ng bansa ay dapat mabigyan ng patas na access sa COVID-19 vaccine kapag ito ay na-develop at napatunayang mabisa at maaari nang ipamahagi sa publiko.
Sa kaniyang mensahe sa UN convention, binigyang diin ni Pangulong Duterte ang “universal access” sa mga gamot at teknolohiya para malabanan ang COVID-19 na mahalaga para sa muling pagbangon ng daigdig mula sa pandemya.
“The world is in the race to find a safe and effective vaccine. When the world finds that vaccine, access to it must not be denied nor withheld. It should be made available to all, rich and poor nations alike, as a matter of policy,” sabi ng Pangulo.
Dagdag pa ng Pangulo, kasama ang Pilipinas sa panawagan ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at Non-Aligned Movement na ikunsiderang global public good ang COVID-19 vaccine.
Hinimok din ni Pangulong Duterte ang UN na suportahan ang World Health Organization (WHO) na nangunguna sa pagresponde sa pandemya.